Nagsimula na ang bunga ng kasamaan ng tao. Nagtala na ang ika-8 ng Nobyembre sa kasaysayan. Mula sa araw na ito, hindi na kailanman magiging ordinaryo pa ang mga susunod na bagyo. Sapagkat sa araw ding yaon, sa parehong islang pinangyarihan ng huling laban para sa kalayaan ng Pilipinas, ay ang pagsilang ng dalamhating kaakibat ng lumalalang global warming at climate change.
Ngunit bago pa man natikman ng Samar at Leyte ng hagupit ni bagyong Yolanda, maraming prediksyon ang nagsabing itong delubyo’y tunay na sisira sa Leyte at Gitnang Bisayas.  At walang preparasyon—maging ang paglikas ng humigit kumulang 800,000 katao—ang pumigil sa nakagigimbal na tanawing iniwan ng pagbisita ng Yolanda: gaya ng pighati ng mga nawalan ng mga mahal sa buhay at ang kanilang patuloy na paghihikahos at pag-iisip sa kung ano ang kanilang kakainin sa mga susunod na araw.
Habang tayo ay patuloy pa rin sa pagpapaabot ng tulong sa mga kababayan natin sa Silangang Bisayas, nagdarasal para sa mga kaluluwa ng mga namatay at marahil ay nahihiwagaan sa mga kilos ng administrasyon sa pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo, huwag nating kalimutang tumayo at muling bumangon. Sapagkat ang laban ay nagsimula pa lamang.
Walang ibang bansa ang nakaranas ng 252km/h na lakas ni Yolanda. Ni ang Katrinang humagupit sa Amerika ay walang binatbat sa Haiyan na tumama sa ating bansa, isang patunay na isa lamang ito sa mga signos na marahil ay dumating na ang pinakatatakutan ng lahat.  Ayaw mo mang pansinin ang mga katagang climate change at global warming, kailangan mong tanggapin na ito na ang simula ng makabagong mundo na ating kinakaharap.
Sa mga susunod pang mga taon, o maaaring ngayong taon, hindi na maihahambing pa ang Yolanda sa mga susunod pang mga bagyo o kalamidad. Higit pa sa kakulangan sa paghahanda sa mga pinsalang maaaring idulot ng mga ito, mapa-lindol man ito, pagbaha, tagtuyot at iba pang mga kalamidad, sa susunod na pagsikat ng araw, ang di kahandaan at kawalang disiplina ng mga Pilipino ang magdadala sa atin sa tiyak na kamatayan.
Wala ng silbi pa ang pagtulong. Datapwa’t sa isang sinalanta ng matinding kalamidad, wala ng silbi pa ang mga batas kumpara sa kanyang pangangailangan. Walang digni-dignidad. Mas iisipin niya kung paano siya makaliligtas sa pagnanakaw, awayan para sa relief goods, pagnanakaw mula sa mga patay at paggawa ng krimen para mabuhay.
At kahit lubos nating pinupuri’t pinasasalamatan ang napakamaraming puso at kamay na nagpatunay ng damdaming makabansa, maaari pa nating subukang pigilan ang nakaambang karumal-dumal na gawaing dulot ng mga kalamidad na ito.
Ang ating lubos na kailangan ngayon ay isang organisadong sistema ng paglutas ng mga lumulubha at mas nakakatakot na mga sakuna. At dagdag pa nito’y kailangan natin ng mga lider na walang pansariling interes—walang bahid pamumulitika, hindi epal at hindi nasisilaw sa kinang ng bilyun-bilyong buwis at donasyon. Hindi natin kaya pang itaya ang libu-libong buhay sa isang bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan o kahit tsunami.
Ngunit kung ang ating iniisip lamang ngayon ay ang pagtulong sa mga biktima sa Leyte, nang hindi natin isinasapuso ang kahulugan ng paghahanda sa mga bagyong gaya nito, maya maya’y mararamdaman din natin kung paano ang maging biktima – mga zombie na desperadong mabuhay matapos literal pagsakluban ng langit at lupa.
At sa araw na yaon, mga ala-ala ni Yolanda ay hindi maihahalintulad sa mga susunod pang bagyo. M